INANGKIN? Dexter Doria tinawag na ‘credit grabber’ si BBM dahil sa pag-angkin diumano nito sa Bangui Windmills


Hindi napigilang tawagin na ‘credit grabber’ ng aktres na si Dexter Doria o mas kilala ngayon sa internet bilang si ‘Nana Didi’ si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa diumano’y pag-angkin nito sa Bangui Windmills ng Ilocos Norte.

Sa ikalawang episode ng ‘DidiSerye’ sinabi ni Doria na hindi naman maaring isama sa achievement ni Marcos ang nasabing windmills dahil sa hindi naman daw ito ideya ng dating gobernador ng Ilocos Norte.

Itinayo ang Bagui Windmills sa ilalim ng pamumuno ni Marcos sa Ilocos Norte bilang gubernador noong 2005 ngunit hindi naman daw galing sa pondo ng kasalukuyang kandidato ang ginamit sa nasabing proyekto.

“Noong 1996, ginawa ng NorthWind Power Development Corporation ang Bangui Wondmills sa Ilocos Norte base sa research ng National Renewable Engery Laboratory ng USA,” wika ni Doria.

“Yes, gobernador si [Marcos] Junior noong itinayo ang proyektong ito pero hindi siya ang bumuo o naghanap ng pondo para rito,” dagdag pa niya.

 “Ang paggamit ng windmills o ang pagsabing idea niya ito, kahit hindi naman totoo ay credit grabbing. In other words, gusto ng recognition kahit hindi pinagtrabahuhan.”  sabi niya pa.

Hinimok naman ni Doria ang mga netizens na huwag magpalinlang sa sinasabi ni Marcos tungkol sa Bangui Windmills.

“Ano sa palagay ninyo ang dapat gawin sa credit-grabber? Huwag magpauto na credit grabber. Gusto lang niya umeksena kapag gusto niya na kayo ang gumawa ng lahat ng trabaho. Isasali niyo pa ba ‘yan sa next group work?” sabi pa ng aktres.

Matatandaan na ibinahagi ni Marcos sa kanyang video ang mga nagawa nito bilang public servant at isa na dito ay ang Bangui Windmills.

Ito rin ang kanyang laging ginagamit sa mga campaign advertisement niya.


Post a Comment

0 Comments