Hindi pa Areglado? Tatay Julian, nilinaw na hindi pa siya nakikipag-areglo sa lalaki na humampas sa kanya ng baseball bat "Kulong Ka!"


Tinulungan ng public service program na BITAG ang matandang nag viral sa social media matapos itong makitang pinaghahampas ng isang binata ng baseball bat sa gitna ng pagtatalo nila sa away trapiko.

Sa pinakabagong episode ng BITAG ni Ben Tulfo ay ibinigay ng biktima na si Tatay Julian, 66-anyos ang ilang detalye tungkol sa kung ano ba talaga ang nangyari bago makunan ang video na umabot sa milyon milyong views sa social media.

Ayon sa kampo ni Tatay Julian ay niyakap niya ang suspek na si Gerson Dave Gonzales upang matapos na lamang ang isyu at hindi na sila maabala.

Ngunit hindi ito nangangahulugan na pumayag na siyang hindi magsasampa ng reklamo laban kay Gonzales.

Sinabi rin nito na walang pirmahan na nangyari sa pagitan ng dalawang panig kaya’t posible pa na makapagsampa siya ng reklamo.

“Hindi [ko] po [siya pinatawad], para lang makuha ko lang ‘yung lisyensa ko para makauwi na ko, kasi natatakot na ko,” wika ng biktima.

“Walang pirmahan na nagka-areglo na kami,” dagdag niya pa.

Inamin din ni Tatay Julian na “napilitan” lamang siya na magpakuha ng video at yakapin ang suspek.

“Hindi po, ang sinadya ko lang para lang matapos at makuha ang lisyensa ko kasi natatakot na ako,” sabi pa ng biktima.

Nilinaw naman ng BITAG na hindi nila inuudyukan si Tatay Julian na magsampa ng kaso laban sa suspek.

Sa ngayon ay wala pang tugon ang kampo ni Gonzales sa pahayag ni Tatay Julian.

Matatandaan na sinabi ni Gonzales na sasagutin niya na lamang ang pampagamot sa matanda.

Ngunit ilang netizens ang hinimok ang matanda na ipaglaban ang karapatan niya at huwag makipag-areglo.


Post a Comment

0 Comments