Di Tutulad? Manny Pacquiao, sinigurado na hindi tutulad ang asawa niyang si Jinkee Pacquiao kay Imelda Marcos


Nangako ang pambansang kamao na si Sen. Manny Pacquiao na hindi magiging katulad ni dating First Lady Imelda Marcos ang kanyang asawa na si Jinkee Pacquiao kung palarin man siya na manalo sa 2022.

Sa virtual forum ng Rotary Club of Manila ay sinabi ni Pacquiao na hindi interesado si Jinkee sa marangyang pamumuhay katulad ni Marcos.

“Hindi po. Tinitiyak ko po iyan dahil kilala ko po yung asawa ko hindi po siya ganun,” ani Pacquiao.

Hindi rin daw interesado ang kanyang asawa sa politika at hindi ito magiging katulad ni Marcos na naging gobernador noon ng Metro Manila.

“Ang asawa ko po ay mahiyain at hindi po mahilig sa pulitika naging vice governor sa Sarangani tapos isang term lang hindi na po tumakbo kasi kaya lang po naging vice governor yun dahil napilitan lang po siya,” sabi ng pambansang kamao.

“May problema lang po doon sa mga kasamahan ko nagaway away sa position so ang nilagay ko yung asawa ko in one term tapos hindi na siya tumakbo dahil hindi siya mahilig sa politika,” dagdag niya pa.

“Ang gusto niya po ng asawa ko magserbisyo tumulong sa mga kababaihan lalo na po yung mga mahihirap, gusto niya po yung pagbibigay ng scholarship, pagbibigay ng housing sa mga pamilya at yung sustainable livelihood,” saad ni Pacquiao.

Kilala si Jinkee sa kanyang mga social media post kung saan ay ibinabahagi niya ang kanyang mga mamahaling gamit.

Dahil dito ay napuna pa nga siya ng kolumnista na si Cristy Fermin dahil sa damit na soot nito sa huling laban ng pambansang kamao na nagkakahalaga diumano ng 2.26-M.

Samantala ay inulan naman ng kontrobersiya si Marcos dahil daw sa magarbong pamumuhay nito.

Ilan sa mga istorya ng marangyang pamumuhay ng dating First lady ay ang koleksyon nito ng libo libong sapatos.

Wala pang pahayag ang mga Marcos tungkol sa mga sinabi ni Pacquiao.

Post a Comment

0 Comments